CAVITE, Philippines – Tapyas ang kanang bahagi ng tenga at nakabigti ng alambre ang leeg ng isang hindi pa nakikilalang lalaki nang matagpuan ang bangkay nito sa kahabaan ng Daang Hari, Barangay Pasong Buaya, Imus ng lalawigang ito, kahapon ng madaling araw.
Ang biktima ay tinatayang nasa edad na 30-40-anyos, may taas na 5’4-5’7, nakasuot ng puting t-shirt at short, nakaapak, may tattoo sa kanang bahagi ng hita na “SPUTNIK”, kaliwang braso ay “JING” at sa kanang kamay ay larawan ng mukha ni Kristo at marami pang mga tattoo ng iba’t ibang pangalan.
Ayon kay Supt. Ulysis Cruz, hepe ng Imus Police, isa sa residente ang nakarinig ng isang putok ng baril at may parang bumangga sa may gate ng kanilang bahay na may mga tambak na sako ng buhangin subalit hindi sila lumabas sa takot na mapahamak sila.
Tumawag sila sa barangay at natagpuan ang isang hindi nakilalang bangkay ng lalaki na tapyas ang kanang bahagi ng tenga. (Cristina Timbang)