BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Tatlong katao na kinabibilangan ng isang dating manedyer ng bangko ang inaresto ng pulisya sa Bambang ng lalawigang ito matapos ireklamo ng ilang mga negosyante sa pekeng bank loan na inaalok sa mga ito ng mga suspek.
Kinilala ni Chief Inspector Janton Albano, hepe ng Bambang Police, ang mga suspek na sina Gerald Reyes, dati umanong manager ng Prudential Bank; Horacio Santos ng Barangay Aristis, Cabanatuan, City; at Suzette Arevalo residente naman ng Bambang.
Inihahanda ng mga awtoridad ang kaukulang kaso laban sa mga suspek dahil sa pamemeke ng mga dokumento para sa loan na inialok nila sa mga biktimang sina Juanita Guinid, Noveline Tagure, Judith Kindao at Jonalyn Dumingay, pawang mga negosyante na nakabase sa Nueva Vizcaya Agricultural Terminal na matatagpuan sa bayan ng Bambang.
Sinasabing inalok umano ng mga suspek ang mga biktima ng loan sa banko na walang collateral at co-maker pero pinagbabayad muna sila ng P3,900.
Pinabulaanan ni Reyes ang akusasyon at iginiit na legal ang kanyang mga papeles. (Victor Martin)