5 terrorist bomber dinakma
MANILA, Philippines - Limang kalalakihan na sinasabing nasa likod sa serye ng pambobomba sa Southern at Central Mindanao ang nasakote ng mga awtoridad sa isinagawang operasyon sa Purok Tagumpay, Brgy. Poblacion sa bayan ng Tatangan, South Cotabato noong Miyerkules ng umaga.
Kabilang sa mga suspek na sumasailalim sa tactical interrogation ay sina Haji Ting Usman, 39, ng Sultan sa Barongis, Maguindanao; Din Bansel, 32; Sammy Akang, 33; Jihar Mindal Malida, 33; at si Ismael Tabidtig Ganda, 47; pawang naninirahan sa bayan ng Bagumbayan, Sultan Kudarat.
Ayon kay P/Senior Supt. Nilo Wong, positibong kinilala ng mga testigo ang mga suspek kaugnay sa malagim na pambobomba sa Immaculate Concepcion Cathedral sa Cotabato City noong Hulyo 5 na kumitil ng anim-katao habang aabot naman sa 30 ang nasugatan maging sa serye ng Kidapawan City bombing.
Nabatid na si Usman ay may nakabinbing warrant of arrest sa kasong murder at frustrated multiple murder na inisyu ni Regional Trial Court Branch 23 Judge Rogelio Naresma kaugnay ng pambobomba sa Kida pawan City.
Samantala, maliban sa pambobomba ay sinisilip rin ng mga awtoridad ang posibleng pagkakasangkot ng mga suspek sa bigong pagdukot sa tatlong Koreano sa Sto. Niño, South Cotabato noong Agosto 21, 2009.
Patuloy namang iniimbestigahan ang posibleng ugnayan ng nasabing grupo sa notoryus na Al-Khobar extortion gang na aktibong nag-ooperate sa North Cotabato. Joy Cantos
- Latest
- Trending