MANILA, Philippines - Limang lalawigan sa Luzon ang lumubog sa tubig-baha kung saan umaabot na sa 21,969 pamilya na may kabuuang 103,383 katao ang apektado dulot ng patuloy na malalakas na pagbuhos ng ulan na dala ng bagyong Maring habang isa na namang Low Pressure Area (LPA) ang nasa bahagi ng hilagang kanluran ng Dagupan City, Pangasinan.
Sa ulat ni National Disaster Coordinating Council Executive Director Glenn Rabonza, kabilang sa naapektuhan ang ilang lugar sa Nueva Ecija, Zambales, Bataan, Pampanga at Bulacan.
Bunga ng matinding pagbaha ay isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Dinalupihan, sa Bataan matapos na grabeng maapektuhan ang mga Barangay Layac, Daang Bago, Sta. Isabel kung saan inilikas sa Dinalupihan Sports Complex ang nasa 150 pamilya na may kabuuang 675-katao mula sa Barangay Pentor.
Samantala, apektado rin ng tubig-baha ang mga bayan ng Pilat, Hermosa, at Morong kung saan aabot sa 33 barangay ang lumubog sa tubig-baha kay inilikas ang 10,886 pamilya na may kabuuang 48, 526 katao.
Umaabot naman sa 612 pamilya (2,405 katao) mula sa anim na Barangay sa bayan ng Botolan, Zambales ang apektado ng tubig-baha kung saan binaha rin ang 16 barangay sa bayan ng San Felipe at San Marcelino.
Apektado naman ng landslide ang Brgy. Putlan, Carranglan, Nueva Ecija sanhi ng walang humpay na mga pag-ulan sa lugar at bunga nito ay isinara sa motorista ang bahagi ng national highway sa lugar.
Aabot naman sa 44 barangay sa bayan ng Guagua, Sasmuan, Floridablanca, Apalit, Masantol at sa San Fernando City sa Pampanga ang lubog sa tubig-baha kung saan aabot sa 9, 894 pamilya (498,879 katao) ang apektado.
Nasa 22 barangay naman mula sa mga bayan ng Meycauayan, Balagtas, Marilao, Calumpit at sa bayan ng Guiguinto sa Bulacan ang naapektuhan ng pagbaha.
Sa iba pang mga lugar ay nasa 2, 122 pamilya (9,348 katao) ang kasalukuyan kinukupkop sa mga evacuation center.
Naitala naman sa P6,416,450.60 milyong halaga ng agrikultura ang napinsala sa Pampanga at Zambales.
Inihayag pa ng opisyal na ang southwest monsoon rains ay nakaapekto sa Luzon at Visayas na nagdulot ng landslide at mga pagbaha sa Regions III, IV-A, IV-B, National Capital Region at sea mishaps sa Regions VII at VIII. Joy Cantos