SANTIAGO CITY, Isabela, Philippines – Magiging tiktik ng Philippine Drug Enforcement Agency-Cagayan Valley ang mga katutubong mapipili sa pagitan ng Kalinga at Isabela para tumulong sa pagsugpo ng bawal na droga.
Ayon sa hepe ng PDEA na si P/Chief Insp. Primitivo Bayongan, malaki ang maitutulong ng mga katutubo kung sila ang gagawing tiktik dahil bukod sa hindi sila baguhan sa paningin ng mga nagtatanim ng marijuana ay kabisado nila ang kagubatan kung saan nakatanim ang marijuana. “They are always at risk of getting killed by members of syndicates who cultivate marijuana plantations for mere suspicion of being a government agent,” pahayag ni Bayongan.
Noong Miyerkules lamang ay 10,000 tangkay ng marijuana na nagkakahalaga ng P2 milyon ang winasak ng mga awtoridad sa kagubatan ng Sitio Bangar-bangar, Bannawag sa pagitan ng Tabuk, Kalinga at Quezon, Isabela.
Dahil dito, ang pagtatalaga ng PDEA ng mga katutubo bilang ahente ng kanilang ahensiya ay inaasahang magtatagumpay upang matigil na ang marijuana plantation. (Victor Martin)