Shabu lab uli ni-raid sa Laguna
Camp Vicente Lim, Laguna , Philippines – Isang araw lang ang nakalipas ay isang shabu laboratory uli ang sinalakay ng pulisya na nagresulta ng pagkakaaresto sa dalawang babaeng Chinese sa Sta Cruz, Laguna kamakalawa ng hapon.
Ang suspek ay nakilalang sina Qui Yau, 24 at Ro San Go, 40, kung saan ni-raid ng mga elemento ng Laguna Police Provincial Office ang inuupahang apartment ng mga ito na pag-aari ni Myla San Juan dakong alas-4:00 ng hapon sa Brgy. Patimbao, sa bisa na rin ng search warrant na ipinalabas ni Judge Divina Gracia-Ongkeko ng Sta. Cruz, Laguna Regional Trial Court Branch 91.
Nakuha mula sa bahay ng mga suspek ang mga parapernalias sa paggawa ng shabu tulad ng chemicals, mixer, mga containers.
Ayon kay Senior Superintendent Manolito Labador, Laguna police director, nag-ugat ang naturang raid matapos na ituro ng dalawa pang Chinese na sina Hung Zhi Peng at Go Chan Son, ang mga suspek nang isagawa ang raid sa Brgy Balibago, Sta. Rosa, Laguna noong Huwebes. Lumalabas din na magkakasabwat ang mga naturang suspek na una ng nakapuslit papasok sa bansa at kabilang sa isang Chinese drug syndicate. Dinala ang mga suspek sa Laguna Police Provincial Office (LPPO) para sumailalim pa sa imbestigasyon. (Arnell Ozaeta)
- Latest
- Trending