MANILA, Philippines - Dalawang sundalo ang nasawi at lima ang sugatan matapos na maburyong ang isang sundalo dahil sa taglay nitong “war shock” kaya nag-amok ito sa loob ng kanilang kampo sa Barira, Maguindanao noong Biyernes ng hapon.
Ang mga biktima ay nakilalang sina Sgt. Bernardo de Guzman at Pfc. Christopher Pagatpatan; pawang nagtamo ng mga tama ng M 16 rifles sa iba’t-ibang bahagi ng katawan habang sugatan naman sina Lt. Col. Aniceto Vicente, nagtamo ng tama ng bala sa kaliwang kamay; Major Fe Rea, tinamaan sa leeg; 2nd Lt. Grace Sumalbang, nasugatan sa tiyan; Sgt. Ronaldo Saraza at Cpl. Dennis Bergante; pawang kasapi ng Army’s Mechanized Infantry Battalion.
Agad na isinugod sa Cotabato Regional Medical Center at Notre Dame Cotabato Hospital ang mga sugatan para malapatan ng lunas.
Habang inooperahan naman ang suspek na si T/Sgt. Policarpio de la Cruz ng Army’s 603rd Infantry Brigade dahil sa tinamong sugat ng barilin ng nagrespondeng mga sundalo dahilan hindi ito paawat sa pag-aamok.
Sa imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas 4:30 ng hapon noong Biyernes nang dumating ang convoy nina Vicente, Commanding Officer ng 2nd Mechanized Infantry Battalion sa kampo ng suspek para magsagawa ng staff visit sa nasabing command post, ngunit pagbaba ng mga ito ay mabilis na pinaputukan ng suspek ang una gamit ang M-16 rifle nito.
Ayon kay Spokesman Lt. Jonathan Ponce, ilang araw ng napupuna ng kanyang mga kasamahan ang suspek na tulala at kakatwa ang mga ikinikilos ngunit hindi akalain na tuluyang mag-aamok at mapapatay ang sariling kasamahan. Nagpaabot ng pakikiramay ang opisyal sa pamilya ng nasawing mga sundalo at isasailalim sa imbestigasyon ang insidente.