PLARIDEL, Bulacan, Philippines – Natagpuan na kahapon sa isang pampublikong sementeryo sa bayang ito ang bangkay ng isang 59-anyos na magsasakang dinukot ng kriminal na grupong Apeng Santos group may isang taon na ang nakakaraan.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Carlito Pascual y Angeles, may-asawa, dating hepe ng mga barangay tanod sa kanilang lugar at residente ng Barangay Sto. Cristo, San Isidro, Nueva Ecija.
Nagbunsod sa pagkakadiskubre sa kinalilibingan ng biktima ang pagkakaaresto sa isang miyembro ng sindikato na si Roger Santos sa Imus, Cavite kamakailan.
Ikinanta niya na nuong Hulyo 13, 2008 dakong alas- 4:00 ng hapon ay dinukot nila at pinatay si Pascual dahil na rin sa utos ng hindi pinangalanang tao na nagbayad sa kanila ng malaking halaga upang likidahin ito.
Natagpuan ang bangkay ni Pascual sa isang patubig sa Barangay Cullanin sa bayan ng Plaridel nuong Hulyo 25, 2008 at dahil sa walang pagkakakilanlan sa biktima ay inilibing na lang ito ng lokal na pulisya sa pampublikong sementeryo sa Barangay Sta. Ines sa bayang ding ito. (Boy Cruz)