2 mister tinodas, misis ginahasa
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City, Philippines — Dalawang mangingisda ang pinatay at inihulog sa isang balon ng tatlong lalaki habang ginahasa naman ng mga salarin ang asawa ng isa sa mga biktima sa Sitio Tagiktik, Ba rangay San Agustin, Aroroy, Masbate ng kamakalawa ng gabi.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Ricardo Pilar, 69-anyos, biyudo; at Romeo Aparel, 30-anyos, may asawa, kapwa residente ng Sitio Tagiktik.
Gayunman, nadakip ng pulisya ang dalawa sa mga suspek na sina Melchor Cuare, 18-anyos, binata, walang trabaho at residente ng Sitio Loco, Barangay Malubi; at Marvin Roxas, 17, binata, magsasaka at residente ng Sitio Dongon ng naturang barangay.
Tinutugis pa ng pulisya habang isinusulat ito ang nakatakas pang suspek na si Rolly Manlapaz, nasa hustong gulang, at residente ng Barangay Igang, Masbate City.
Nag-iinuman sa naturang lugar sina Pilar at Aparel nang biglang dumating ang mga salarin at walang sabing hinataw ng matigas na bagay ang ulo ng mga biktima, iginapos ang mga kamay saka nilagyan ng mabigat na bagay sa likuran at inihulog ang mga ito sa isang balon.
Matapos isagawa ang krimen ay halinhinang ginahasa ng mga salarin ang asawa ni Aparel. (Ed Casulla)
- Latest
- Trending