MANILA, Philippines - Kinondena ng Department of Justice ang pagpatay sa isa sa mga testigo sa Dacer-Corbito double murder case matapos na pagbabarilin ng mga ’di kilalang suspek sakay ng motorsiklo kahapon ng umaga sa Cavite City.
Ayon kay Justice Undersecretary Ricardo Blancaflor, nagsisimula ng kumilos ang kalabang panig dito para mapigilan ang nakatakdang pagbubukas ng kaso kaya pinatahimik at pinatay ang testigong si Jimmy Lopez.
Si Lopez, kapatid nitong si William at si Alex Diloy ang tumatayong testigo ng prosecution kung saan sinugod at pinagbabaril ang una sa inuupahang bahay nito sa Cavite ng ilang ’di kilalang armadong suspek.
Nakatakdang humarap si Lopez kasama ang dalawa pang nabanggit na witness ngayong araw sa Manila Regional Trial Court at sa preliminary investigation sa Department of Justice, kung saan sa bagong reklamo ay idinadawit sina dating pangulong Joseph Estrada at Senador Panfilo Lacson na siyang mastermind sa kaso.
Isinampa ng pamilya Dacer ang naturang kaso laban kay Lacson sa DoJ at ito ay ibinatay sa affidavit ni dating Supt. Cesar Mancao na nagsabing nadinig niya si dating Supt. Michael Ray Aquino na kausap sa telepono si Lacson na noon ay hepe ng Philippine National Police (PNP) at inuutusan nito si Aquino na likidahin ang isang alyas Delta.
Tiniyak naman ni Blancaflor na bagama’t patay na si Lopez ay hindi hihina ang kaso dahil marami pa rin lilitaw na testigo at magbibigay ng impormasyon sa kaso.
Magugunita na pinaslang ang PR man na si Salvador “Bubby” Dacer at driver nitong si Emmanuel Corbito noong November 2000 sa Indang, Cavite kung saan sunog na ng matagpuan ang bangkay ng mga ito. (May ulat ni Arnell Ozaeta)