29-anyos na lalaki itinumba ng pulis
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Pinaniniwalaang may kaugnayan sa bawal na droga kaya binaril at napatay ang isang 29-anyos na lalaki ng isang alagad ng batas sa panibagong karahasang naganap sa bayan ng Imus, Cavite kamakalawa ng tanghali.
Kinilala ni P/Supt. Ulysses Cruz, hepe ng Imus police, ang napatay na si Archie Timonera ng Barangay Poblacion 4, Imus.
Ayon sa police report, lumilitaw na nakikipag kwentuhan si Timonera sa kanyang mga kaibigan nang lapitan at pagbabarilin ng suspek na si PO2 Gilbert Camaclang na naka-assign sa Imus police station.
Sa panayam ng mga reporter kay P/Supt. Cruz, nagsasagawa ng buy-bust operation ang kanyang mga tauhan sa kinaroroonan ni Timonera na sinasabing pugad ng mga drug pusher at adik nang maganap ang krimen bandang alas-12:30 ng tanghali
Naghihinanakit naman ang mga kaanak ni Timonera dahil sa pang-aabuso ng pulis-Imus kaya inilapit nila ang kaso sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para sa masusing imbestigasyon.
Bagamat naitakbo pa sa ospital si Timonera, subalit idineklara rin itong patay dahil sa tinamong tama ng bala sa kanyang katawan. Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending