P.5M nakulimbat... Trader dedo sa holdaper

MANILA, Philippines - Napatay ang isang 51-anyos na negosyanteng ba­bae makaraang pagba­barilin ng isa sa tatlong miyembro ng notoryus na robbery/holdap gang na puwersahang tuma­ngay sa dala nitong bag na nagla­laman ng P. 5milyong idi-deposit sana sa banko sa bayan ng Binangonan, Rizal kahapon.

Idineklarang patay sa Queens Mary Hospital si Lourdes Argoncillo, may ari ng gasolinahan at nakatira sa Bloomsdale Homes, sa bayan ng Angono, Rizal.

Sa inisyal na ulat ni PO3 George Arada, naganap ang insidente dakong ala­una ng hapon sa Bara­ngay Calum­pang, Binangonan kung saan patungo sa banko ang biktima kasama ang kan­yang mister na si Alfred na kapwa sakay ng Honda CRV (XSF-396) upang magdeposito ng pera.

Napag-alamang pababa na ng kanilang sasakyan ang biktima patungong banko nang sumulpot ang motor­siklong may lulang tatlong ka­lalakihan.

Pilit na hinahablot ng isa sa mga holdaper ang bag na naglalaman ng malaking pera mula sa biktima subalit nan­laban ang misis.

Bunga nito ay nairita ang isa sa tatlong holdaper at pinag­babaril ang bikti­ma na duguang bumagsak kung saan sinak­lolohan naman ng kanyang mister na naisugod sa ospital. (Joy Cantos)

Show comments