MANILA, Philippines - Isa na namang trahedya ang naganap noong Martes ng gabi kung saan apat-katao ang iniulat na nasawi habang limang iba pa ang malubhang nasugatan makaraang mahulog ang pampasaherong jeepney sa may 200 talampakang lalim na bangin sa Barangay Tinongdan sa bayan ng Itogon, Benguet.
Kabilang sa mga nasawi ay ang mag-asawang sina Seferino, 81 at Sarah Golingab, 78; Emiliano Tomino, 50, at Virginia Tomino, 49, na pawang nakatira sa Barangay Dalupirip sa bayan ng Itogon, Benguet.
Ginagamot naman sa Baguio City General Hospital and Medical Center sina Emiliano Esnara, 56; Bernard Cunanan, 17; Remedios Depayso, Dolores Galunza at ang driver na si Leonardo Saley, 27, na pawang residente ng Poblacion, Itogon.
Ayon sa ulat ni P/Senior Supt. Danilo Pelisco, binabagtas ng jeepney (AYE 667) ang kahabaan ng kalsada mula sa Baguio City kung saan nakipaglamay ang mga biktima sa kamag-anak na yumao.
Sa pahayag ng mga nakaligtas, na masyadong madulas ang daan habang nababalutan din ng hamog ang paligid bunga ng pag-ulan kung saan nawalan ng kontrol ang driver sa manibela kaya nagtuluy-tuloy sa bangin.
Ito ang kauna-unahang trahedya na naganap sa bayan ng Itogon habang patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya. (Joy Cantos at Artemio Dumlao)