RIZAL , Philippines – Ganap nang nagkabisa ang suspension order laban kay Rodriquez Mayor Pedro Cuerpo matapos na ito’y ipag-utos ng Sandiganbayan.
Agad na ipinatupad ng Rizal Provincial Government ang agarang pagsuspinde kay Cuerpo kaugnay ng kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Ang utos ng Sandiganbayan laban kay Cuerpo ay bunsod ng nauna nitong desisyon na ibasura ang second motion for reconsideration na isinampa ng mayor.
Pinagtibay ng anti-graft court sa naturang desisyon ang utos nito na suspindihin si Cuerpo kabilang ang ilan pang opisyales ng bayan ng Rodriguez.
Sa desisyon ni Justice Teresita Diaz-Baldos, sinabi ng korte sa Rizal provincial goverrment na ang utos ay “immediately executor. “The court stands firmly by its previous resolutions and resolves that the instant pleading (of Cuerpo) bears no merit,” dagdag pa nito. Inilabas ng korte ang unang suspensiyon laban kay Cuerpo nuong October 3, 2008.
Nagbabala rin ang korte nang hakbang ni Cuerpo ay nagpapakita lamang ng malinaw na intensiyon na pabagalin ang implementasyon ng suspension order.
Ayon sa Sandiganbayan, ang suspension order ay kailangan para hadlangan si Cuerpo na gamitin ang kanyang tanggapan sa pananakot ng mga testigo o biguin ang prosecution.
Ang suspensiyon ni Curerpo ay batay sa mosyon ng Ombudsman sa mga reklamo ng ilang residente dahil sa lubos na pang-aabuso ng kapangyarihan at grave misconduct kaugnay ng pagdemolis ng kanilang mga tahanan noong 2002. Bukod kay Cuerpo, nasuspinde rin sina Municipal Engineer Fernando Roño at Barangay Chairman Salvador Simbulan.
Ayon sa mga biktimang sina Leticia Nanay, Nancy Barsubia, Gemma Bernal, Ma. Victoria Ramirez, Crisanta Oxina at Adelaida Ebio, na ipinagkait sa kanila ni Mayor Cuerpo at ng iba pang mga akusado ang naaayon sa batas na paggamit ng kanilang lupain.
Binasura ng Sandiganbayan ang naunang motion for reconsideration ni Mayor Cuerpo noong Marso 17 subalit nagbigay ito ng daan para manatili ang status quo hanggang Mayo 29, 2009.
Nanawagan naman si Acting Rodriguez Mayor Jonas Cruz sa mga kinauukulan na irespeto ang suspension order para maipagpatuloy ang normal na serbisyo sa taum bayan. (Rose Tamayo)