Bus vs bus: 8 dedo
CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines — Walo-katao ang sinalubong ni kamatayan samantalang aabot sa 42 iba pa ang sugatan makaraang magbanggaan ang dalawang pampasaherong bus sa highway na sakop ng Barangay Domoit sa Lucena City, Quezon noong Linggo.
Kinilala ni P/Senior Supt. Elmo Sarona, Quezon police director, ang mga nasawi na sina Rizzy Baguyo, 3; nanay nitong si Rean Baguyo at ang lolang si Emelina Baguyo; Romeo Buban Casim, alternate bus driver at si Marife Pada.
Tatlo pang biktima na nasawi ang kasalukuyang bineberipika ang pagkikilanlan.
Ayon sa ulat ni SPO3 Renato Pelobello, binabagtas ng Lucena Bus Lines (DWB-795) ni Victor Alcantara ang kahabaan ng Maharlika Highway nang sumalpok sa kasalubong na Bragais Lines Bus (EVM-934) ni Jose Danny Menian y Montealegre sa Barangay Domoit bandang alas- 12:00 ng hatinggabi.
Napag-alamang nag-overtake ang Lucena Bus Lines na patungong Lucena City mula sa Maynila sa sasakyang nasa harap nito hanggang bumangga naman sa kasalubong na Bragais Bus Lines na patungong Maynila mula sa Kabikulan.
Dahil sa lakas ng impak, nawasak ang buong kaliwang bahagi ng Bragais Bus Lines na ikinamatay agad ng pitong pasahero habang isa naman sa Lucena Bus Lines.
Kasalukuyang ginagamot na sa Quezon Medical Center ang mga nasugatan samantalang inilagak na ang mga nasawi sa Funeraria Pagbilao para sumailalim sa autopsy.
Iniimbestigahan na ng pulisya ang dalawang drayber ng bus at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting to multiple homicide and multiple physical injuries.
- Latest
- Trending