BATANGAS, Philippines – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa isang 46-anyos na trader habang sugatan naman ang anak nito makaraang pagbabarilin ng ‘di-pa kilalang lalaki habang nasa loob ng public market sa Tanauan City, Batangas kahapon ng madaling-araw. Kinilala ni P/Senior Supt. Jesus Gatchalian, ang napaslang na si Rolando Arandia, fish trader, ng Brgy. Quiling, Talisay, Batangas.
Sugatan naman ang 22-anyos na anak ni Arandia na si Romar matapos magtamo ng mga tama ng bala ng baril sa katawan at kasalukuyang nasa CP Reyes Hospital.
Napag-alamang nagdedeliber ng isdang tilapia ang mag-amang Arandia sa mga kliyente sa Tanauan Public Market sa Barangay 7 nang lapitan at pagbabarilin si Rolando habang umiihi sa may gate ng palengke bandang alas-4:20 ng umaga.
Nang makarinig ng putok, mabilis na sumaklolo si Romar at nakita na lang ang ama na nakahandusay kung saan agad na kinuha ang baril sa nakabulagtang ama at hinabol ang gunman hanggang sa mauwi sa ilang minutong barilan. Napatay naman ni Romar ang bumaril sa kanyang ama subalit nagtamo din ito ng apat na tama ng bala sa tiyan, kaliwang hita at kanang kamay. Taliwas naman sa police report na sila ang nakapatay sa gunman sambit ng ilang witness sa PSNgayon.
Nakarekober ang mga pulis mula crime scene ng isang caliber 45 pistol, ilang piraso ng basyo ng bala ng baril at larawan ni Rolando Arandia sa bulsa ng pantalon ng gunman na kasalukuyang bineberipika pa ang pagkikilanlan. Arnell Ozaeta at Ed Amoroso