SOLANO, Nueva Vizcaya, Philippines – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa tatlong bata habang aabot naman sa 200 iba pa ang isinugod sa ospital makaraang malason ng karne ng pawikan kamakalawa ng umaga sa isla bayan ng Calayan, Cagayan.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Angel “Jane” Dela Cruz, 2, ang mag-utol na M.J. Fernando, 6; at Melody Fernando, 10.
Sa pahayag ni P/Chief Supt. Roberto Damian, na unang isinugod sa ospital ang 150 residente mula sa Sitio Simabang, Fuga Island, Calayan, Cagayan matapos makaranas ng panghihina at pagkahilo dahil sa kinaing karne ng pawikan.
Kasunod nito, ay isinakay din sa bangkang de motor ang ilan pang residente ng nasabing isla na kumain din at naglinis sa lugar na pinagkatayan ng pawikan.
Inihayag ng Cagayan provincial health na ito ang kauna-unahang kaso ng food poisoning dahil sa pagkain ng karne ng pawikan.
Sinimulang isailalim sa pagsusuri ng mga awtoridad na kabilang sa binuong Task Force Pawikan ang mga kinuhang samples ng karne ng pawikan sa Fuga Island, Aparri, Cagayan matapos mapaulat na tatlong bata ang namatay sa pagkain ng karne nito habang aabot naman sa 200 ang patuloy na ginagamot sa mga ospital sa bayan ng Agra at Layos.
Aminado naman si Dr. Jovitra Ayson, director ng BFAR Region 2, na hirap pa sila na tukuyin ang naging sanhi ng pagkalason ng mga bata dahil ito ang kauna-unahang insidente na may nala son sa karne ng pawikan.
Sa deskripsyon ng mga residente, may sungay ang pawikang kinatay at sinasabing may taglay na tracking device na may nakasulat na Chinese character ang katawan ng sea turtle.
Sinasabing napadpad sa baybaying dagat ng Sitio Sima bang sa Fuga Island ang malaking pawikan noong Huwebes na pinagtulungang katayin ng mga residente, ipinamahagi sa iba pang mga kapitbahay at nagkani-kaniyang luto ang mga ito. Dagdag ulat ni Angie Dela Cruz