BULACAN , Philippines – Tinatayang aabot sa P1.3 milyong air-arian ang nawasak makaraang manalasa ang ipu-ipo sa apat na bayan sa Bulacan kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ng Provincial Disaster Coordinating Office na pinamumunuan ni Laz Moncal, kabilang sa mga ba yan na sinalanta ng buhawi ay ang mga bayan ng Balagtas, Guiguinto, Bocaue at ang bayan ng Baliwag.
Napag-alamang nawasak ang mga bubong ng pampublikong palengke, mga kabahayan, tindahan, palayan at ang bubong ng wai ting shed kung saan dalawang sibilyan ang nasugatan habang dalawang sasakyan naman ang nasira.
Sugatang isinugod sa Bulacan Medical Center sina Cesar James Alcaraz, 19; ng Brgy. San Juan; at Eduardo Tusol, 22, ng Brgy. Santol, sa bayan ng Balagtas.
Maging ang traysikel (RR 8818) ni Arnold Castillo ng Brgy. San Juan ay hinigop ng ipu-ipo habang nawasak naman ang likurang bahagi ng Toyota Vios (ZSF 451) ni Eutiquio Tamon ng Brgy. Panginay.
Nasugatan din si Eduardo Tuboy Jr. ng Northville 6, Brgy.Santol dahil nabagsakan ng yerong bubong.
Makalipas ang ilang minutong pananalasa ng ipu-ipo ay bumuhos ang malakas na ulan kung saan nagkabuhul-buhol naman ang trapiko. (Boy Cruz at Dino Balabo)