CAMP OSCAR FLORENDO, La Union, Philippines – Dalawang kalalakihan na sinasabing mga pusakal na kriminal ang naaresto ng mga awtoridad sa magkahiwalay na lugar sa La Union at Pangasinan kamakalawa.
Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Clifton Ganay ng Agoo Regional Trial Court Branch 31, naaresto si Marlou “Mario” Alcantara na may patong sa ulo na P90,000 dahil sa kasong rape.
Ayon kay P/Chief Supt. Ramon Gatan, regional director, si Alcantara, 35, ay nadakip sa Barangay Sta. Lucia, Aringay, La Union noong Marso 25, 2009.
Samantala, si Manuel Bus tos Jr.na may kasong double murder at may patong sa ulo na P90,000 ay nasakote ng pulisya sa Brgy. San Vicente, Sta. Maria, Pangasinan noong Abril 9, 2009.
Si Bustos ay sinasabing pumatay kina Lolita Mamenta at Liezel Soriano noong March 3, 2007 sa Brgy. Paitan, Sta. Maria, Pangasinan.
Binigyan naman ng pabuya ng pulisya ang dalawang sibilyan na sinasabing nagbigay ng impormasyon laban sa dalawang kriminal.
“Community participation is a must to win the fight against criminality. This is our guiding principle as we continue working in partnership with all stakeholders to maintain peace and order in the region,” dagdag pa ni Gatan. (Myds Supnad)