MANILA, Philippines - May 3.7 milyong halaga ng shabu ang nasamsam ng pulisya habang tatlong umano’y magkakapatid na big time drug dealers ang naaresto sa isang drug bust operation sa Naga City, Camarines Sur kamakalawa ng gabi.
Ang mga suspek na sina Ali, Diomair at Juhavier Diamaoden ay naaresto sa bahay ng mga ito sa Lukban St., Barangay San Felipe, Naga City at nakuhanan ng 456 gramo ng shabu.
Ayon kay Sr. Supt. Tomasito Clet, acting chief ng intelligence division ng Naga City Police, una silang nagsagawa ng surveillance operation sa naturang lugar kung saan isang undercover agent ang nagpanggap na poseur buyer at binentahan ni Juhavier ng P3,000 halaga ng shabu. Dito ay hindi na nakapalag pa ang suspek.
Nakuha din sa operasyon ang P15,000 cash na umano’y kinita ng mga suspek sa pagbebenta ng droga. Sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.