Gawad Kalasag para sa Albay

LEGAZPI CITY, Philippines – Nakatakdang tanggapin ni Albay Gov. Joey Sarte Salceda ang award na iginawad ng National Disaster Coordinating Council bilang best Provincial Disaster Coordinating Council sa bansa sa isasagawang awarding ceremony sa Mala­cañang Palace ngayong hapon.

Ang Gawad Kalasag ay ipag­kakaloob mismo ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung saan iginagawad taun-taon ng NDCC sa mga lalawigan bilang rekognasyon ng national government sa nagawang programa hinggil sa Disaster Risk Management.

Ang Albay ay itinuturing na isa sa pinakamagaling sa kahandaan kung saan anumang oras ay kayang ilikas ang mga residenteng naninirahan sa paanan ng Bulkang Mayon na sinasabing nagbabadyang sumabog.

Zero casualty ang puntirya ng Albay sakaling magkaroon ng mga kalamidad partikular na ang pagragasa ng tubig-baha at landslides. Kinilala ang Albay sa pre-emptive evacuation kung saan lalo na kung may bagyo ay kaagad na inililikas ang mga residente sa ligtas na lugar. (Ed Casulla)

Show comments