CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines – Napaslang ang isang 70-anyos na retiradong doctor na Kano makaraang pagtulungang saksakin ng mga ’di-pa kilalang kalalakihan na nanloob sa kanilang bahay sa Tagaytay City noong Lunes ng gabi.
Kinilala ni P/Supt Joseph Javier, hepe ng Tagaytay City PNP, ang napatay na si Frank Joseph Michaelski ng Wallnut Street, Southridge Subdivision sa Barangay Sungay West.
Sugatan naman ang asawa ni Frank Joseph na si Amy, 70, matapos magtamo ng mga saksak at hiwa sa kanyang kamay at ibat-ibang bahagi ng katawan.
Ayon sa police report, nakatanggap ng tawag sa telepono ang Tagaytay PNP mula kay Dr. Benjamin Victoria na kapitbahay ng mag-asawa sa naganap na insidente bandang alas-8:46 ng gabi.
Sa salaysay ni Amy, laking gulat na lang nito nang makita ang kanyang duguang asawa na nakahandusay sa sahig ng kanilang bahay.
Pababa na ng hagdanan si Amy para tulungan ang kanyang asawa nang makasalubong nito ang dalawang lalaki na papaakyat naman ng kanilang bahay hanggang undayan siya ng ilang saksak bago nagsitakas.
Dead-on-the-spot si Frank Joseph matapos magtamo ng saksak sa likurang bahagi ng katawan habang isinugod naman sa Tagaytay Hospital si Amy.
Inilarawan naman ni Amy ang mga killer na may taas na 5’6 hanggang 5’7, payat, nakasuot ng itim na t-shirt, black jacket at naka-bull cap na kasalu kuyang pinaghahanap ng pulisya. (Nina Arnell Ozaeta at Cristina Timbang)