Basilan encounter: 10 Abu, 2 sundalo utas
MANILA, Philippines - Sampung bandidong Abu Sayyaf Group at dalawang sundalo ang kumpirmadong napatay sa walong oras na umaatikabong sagupaan laban sa tropa ng militar sa bayan ng Tipo-Tipo, Basilan kahapon.
Sa phone interview, kinumpirma ni Major Gen. Ben Mohammad Dolorfino na sampung bangkay ng Abu ang narekober sa encounter site.
“We retrieved at least 10 body counts, but the number of the slain bandits could go up as the clearing operations continues,” pahayag ni Dolorfino.
Samantala, ang iba naman sa mga bangkay ng Abu ay nabitbit ng mga nagsitakas na kalaban, ayon sa impormasyon ng mga asset ng militar.
Bandang alas-3:45 ng madaling-araw nang makasagupa ng pinagsanib na puwersa ng 67th Marines Raiders Team, Army’s Light Reaction Force at Scout Rangers ang grupo nina Abu Sayyaf Commanders Furuji Indama at Long Masud sa Sitio Kurelem, Brgy. Silangkum.
“Sporadic firefight continues in the area,” ayon pa sa heneral kung saan kinumpirma nito na maliban sa sampung bangkay ng mga bandido na narekober sa clearing operations ay nakasamsam rin sila ng 13 malalakas na kalibre ng baril.
Kinumpirma rin ni Dolorfino na nagtamo rin ng casualties sa panig ng militar bagaman hindi muna nito tinukoy kung ilan dahil may manakanakang putukan pa sa lugar habang tiniyak naman ni Dolorfino na hindi kabilang ang grupo ng Moro Islamic Liberation Front na nakasagupa ng military. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending