CAMP VICENTE LIM, Laguna , Philippines – Isang lalaki na sinasabing notoryus drug pusher ang iniulat na namatay samantalang 27 iba pa ang naaresto ng pulisya sa shabu tiangge raid sa bayan ng Biñan, Laguna kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Chief Supt. Perfecto Palad, Region 4-A ang namatay na si Jojo Pinedo na sinasabing nalunod matapos magtangkang takasan ang mga pulis kung saan tumalon sa Laguna de Bay.
Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Ceasar Mangrobang ng Cavite Regional Trial Court, sinalakay ng pinagsanib na elemento ng Laguna Police Provincial Office, Biñan PNP, Philippine Drug Enforcement Agency, Maritime Group at ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang Barangay Malaban bandang alas-8 ng umaga
Nabatid na ang Brgy. Malaban ay isang coastal barangay sa gilid ng Laguna de Bay na ginagawang pugad ng mga drug adik at drug pusher kung saan mahirap marating ng mga awtoridad.
Sa 14-kabahayang na sinalakay, kumpiskado sa mga suspek ang 57 sachet ng shabu na nagkakahalaga ng P30,000, 199 piraso ng dried marijuana sa tea bags na halagang P40,000, 46 yunit ng video karera at fruit games machine na may P12,000 halaga ng coins at perang papel.
Nasamsam din ang 7 baril kabilang ang dalawang cal. 45 pistol, cal. 22 pistol, shotgun at tatlong cal. 22 long rifle at limang motorsiklo na gamit sa pagde-deliver ng mga bawal na droga.
Dinala na sa himpilan ng pulisya sa bayan ng Biñan ang mga naarestong suspek habang inihahanda ang kaukulang kaso na isasampa laban sa kanila.