MANILA, Philippines - Nailigtas sa kamay ng mag-amang kidnaper ang isang 17-anyos na kolehiyala sa isinagawang operasyon sa Barangay Dangulan, Sultan Naga Dimaporo, Lanao del Norte kamakalawa.
Kinilala ni P/Chief Supt. Felicisimo Khu Jr., ang biktima na si Joyce Bag-ao samantalang nadakip naman ang mag-amang sina Ahmad Dibaratun at Jomali Dibaratun.
Una rito, nasakote sa entrapment operation sa fastfood chain sa Cotabato City noong Sabado ang ama ni Jomali na si Ahmad Dibaratun habang puwersahang pinapipirma sa dokumento si Myrna Bag-ao, ina ni Joyce na nagsasaad na hindi dinukot kundi kusang sumama sa kaniyang binata o nagtanan ang biktima at ang batang Dibaratun.
Ayon sa pulisya, si Ahmad ay umaming nakipagsabwatan sa anak kaya kaagad na nagsagawa ng follow-up operations ang pulisya at nagresulta sa pagkakaligtas sa biktima.
Si Joyce ay dinukot ni Jomali habang kumukuha ng pagsusulit sa STI Computer College sa Cotabato City noong Biyernes ng Hulyo 17. (Joy Cantos)