2 karnaper nasakote

PLARIDEL, Bulacan , Philippines   — Ganap nang nabuwag ng pulisya ang isang grupo ng mga karnaper makaraang maaresto kamakalawa ng madaling-araw ang dala­wang miyembro nito sa Barangay Sta. Ines sa ba­yang ito at pagkakarekober ng may sampung nakaw na sasakyan.    

Sa ulat ni P/Supt. Edwin Quilates kay Provincial Director P/SSupt. Diosdado Ramos, kinilala ang mga suspek na sina Albert Guillermo y Licayan Alyas Petot 26, residente ng Ba­rangay Culianin, Plaridel, lider ng Petot Carnapping Group na kumikilos sa iba’t ibang bayan dito at tauhan nitong si Oscar Camitan ng pareho ding barangay.   

Ayon sa imbestigasyon, modus operandi ng mga suspek ang magpapang­gap na nagbebenta ng iba’t ibang kasangkapan sa bahay at aalukin ang target nito ngunit lingid sa ka­alaman ng biktima ay mi­namatyagan ng mga sus­pek ang sasakyan na na­kahimpil sa kanilang ga­rahe at pagsapit ng ma­daling araw ay muling ba­balik ito sa bahay na target at kakarnapin na ang sa­sakyan.   

Nagbunga ang apat na buwang pagmamanman sa mga suspek nang pumunta sa himpilan ng pulisya dakong alas-4:20 ng mada­ling araw kamakalawa ang biktimang si Efren Reyes y Reyes, 43, tricycle at re­sidente ng Isabel Village Barangay Tabang, Plaridel upang ireport na kinarnap ang kanyang Honda TMX na tricycle. Agad na nag-follow up sina Col.Quilates at mga tauhan nito na nagresulta sa pagkaka­rekober ng sasakyan sa isang tagong lugar sa Sta. Ines. Sina Guillermo at Camitan ay nagtangka pang tumakas ngunit nasa­kote din ang mga ito.   

Sa interogasyon ng pu­lisya sa dalawang suspek, inamin na sila ang nanga­ngarnap ng mga sasakyan at itinuro na din ang lugar na kanilang pinagtataguan ng sasakyan sa iba’t ibang lugar sa Bulacan na nagre­sulta sa pagkakabawi ng mga sasakyang Suzuki X-120 (RJ-1941), (RJ-1841), (PV-3642), Yamaha MIO (RH-3485), 2 Kawasaki 125, Honda XRM, at tat­long yunit ng hooper na pa­wang mga walang plaka. (Boy Cruz)


Show comments