2 karnaper nasakote
PLARIDEL, Bulacan , Philippines — Ganap nang nabuwag ng pulisya ang isang grupo ng mga karnaper makaraang maaresto kamakalawa ng madaling-araw ang dalawang miyembro nito sa Barangay Sta. Ines sa bayang ito at pagkakarekober ng may sampung nakaw na sasakyan.
Sa ulat ni P/Supt. Edwin Quilates kay Provincial Director P/SSupt. Diosdado Ramos, kinilala ang mga suspek na sina Albert Guillermo y Licayan Alyas Petot 26, residente ng Barangay Culianin, Plaridel, lider ng Petot Carnapping Group na kumikilos sa iba’t ibang bayan dito at tauhan nitong si Oscar Camitan ng pareho ding barangay.
Ayon sa imbestigasyon, modus operandi ng mga suspek ang magpapanggap na nagbebenta ng iba’t ibang kasangkapan sa bahay at aalukin ang target nito ngunit lingid sa kaalaman ng biktima ay minamatyagan ng mga suspek ang sasakyan na nakahimpil sa kanilang garahe at pagsapit ng madaling araw ay muling babalik ito sa bahay na target at kakarnapin na ang sasakyan.
Nagbunga ang apat na buwang pagmamanman sa mga suspek nang pumunta sa himpilan ng pulisya dakong alas-4:20 ng madaling araw kamakalawa ang biktimang si Efren Reyes y Reyes, 43, tricycle at residente ng Isabel Village Barangay Tabang, Plaridel upang ireport na kinarnap ang kanyang Honda TMX na tricycle. Agad na nag-follow up sina Col.Quilates at mga tauhan nito na nagresulta sa pagkakarekober ng sasakyan sa isang tagong lugar sa Sta. Ines. Sina Guillermo at Camitan ay nagtangka pang tumakas ngunit nasakote din ang mga ito.
Sa interogasyon ng pulisya sa dalawang suspek, inamin na sila ang nangangarnap ng mga sasakyan at itinuro na din ang lugar na kanilang pinagtataguan ng sasakyan sa iba’t ibang lugar sa Bulacan na nagresulta sa pagkakabawi ng mga sasakyang Suzuki X-120 (RJ-1941), (RJ-1841), (PV-3642), Yamaha MIO (RH-3485), 2 Kawasaki 125, Honda XRM, at tatlong yunit ng hooper na pawang mga walang plaka. (Boy Cruz)
- Latest
- Trending