3 holdaper tumba sa shootout
BULACAN, Philippines – Tatlong kalalakihan na sinasabing miyembro ng notoryus na robbery/holdup gang na nangholdap sa isang karinderya ang iniulat na napaslang makaraang makipagbarilan sa mga alagad ng batas kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng Doña Remedios Trinidad Highway, sa Brgy. Sampaloc, San Rafael, Bulacan.
Isa sa dalawang napatay ay nakilalang si Roger Manalad ng #220 Patria Street, Balut, Tondo, Manila habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng dalawa.
Sa police report, lumilitaw na hinoldap ng tatlo ang Edison LTB eatery na pag-aari ni Edison Igaya.
Napag-alamang tinangay ang hindi pa mabatid na halaga at mga celpon saka tumakas sakay ng kotseng Toyota Corolla (TDD-349) patungo sa hilagang direksyon.
Kaagad naman naglatag ng checkpoint ang pulisya sa mga posibleng daanan hanggang sa mamataan sa bisinidad ng Barangay Capihan kung saan imbes na huminto para sa inspeksyon ay pinaharurot ng tatlo ang kotse.
Dito na nagkahabulan kung saan naunang nagpaputok ng baril ang tatlo kaya gumanti ang mga tumutugis na pulisya hanggang sa mapatay ang tatlo.
Narekober ng pulisya ang tatlong baril, 2 celpon, 3-bonnet at P600 cash. Boy Cruz at Joy Cantos
- Latest
- Trending