Mag-asawa nilagare ng senglot
CAMARINES NORTE, Philippines - Pinaniniwalaang sinapian ng masamang ispiritu ang isang mangingisda dahil sa sobrang pagkalango sa alak kaya nagawang lagariin sa mukha, ulo at braso ang mag asawa kamakalawa sa Purok 2, Brgy Manguisoc sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte.
Nailigtas naman sa bingit ng kamatayan sa Camarines Norte Provincial Hospital ang mag-asawang sina Salvador Trinidad 44; at Marie Trinidad, 40.
Samantala, pormal namang kakasuhan habang nakakulong ang suspek na si Gerardo Penaflor, 39.
Nabatid na magkasamang nag-iinuman ng alak ang suspek at si Salvador nang humantong sa mainitang pagtatalo kaugnay sa pangingisda.
Nagulat na lamang ang mag-asawa nang biglang kunin ng suspek ang lagareng kalawangin at isinagawa ang krimen kay Salvador habang ang asawa na umaawat naman ay hindi rin pinatawad.
Mabilis na nahila palabas ng bahay ng asawang babae ang kanyang mister laban sa naghuhuramentadong suspek bitbit ang kalawanging lagare.
Agad na sumaklolo ang mga barangay tanod at dito naaresto ang suspek. (Francis Elevado)
- Latest
- Trending