LA UNION , Philippines — May pera hindi lang sa basura, kundi pati sa alikabok ng tabako. Ito ang pinatunayan ng National Tobacco Administration sa pagpapasinaya ng kauna-unahang Tobacco Dust Processing Plant na literal na gigiling sa mga reject na dahon ng tabako sa Barangay Fernando sa bayan ng Sto. Tomas, La Union.
Ayon kay NTA Administrator Carlitos Encarnacion, ang tobacco dust na nagmula sa tabako ay mabisang pamuksa ng kuhol at iba pang peste sa mga palaisdaan.
Aabot sa P500 milyong ang itatayong planta na sinasabing may kapasidad na gumawa ng 30 milyong kilo ng tobako dust bawa’t taon kung saan nangangailangan ng 400 milyong kilo ng alikabok ng tabako para maging pagkain ng mga isda sa palaisdaan.
Nabatid na ang tobacco dust ay maituturing na environment friendly sapagka’t wala itong mapanganib na chemical residues na nagiging dahilan para ma-ban ang fresh bangus sa Amerika at Europa.
Inanunsyo rin Encarnacion na sa susunod na buwan ay itatayo sa Ilocos Sur ang planta ng papel mula naman sa tobacco pulp.
“Kung sa dust processing plant ay reject leaves ang gamit, ang raw materials naman sa ikalawang planta ay mga tobacco stalks o puno at mga sanga ng tabako,” dagdag pa ni Encarnacion
Dahil sa mga tuklas na bagong gamit ng tabako ay maituturing na miracle plant ang tabako, ayon kay Winston Uy, president of Philippine Aromatic Dealers Association na ang tabako ay maituturing na rin na miracle plant. Victor Martin