BAYOMBONG, Nueva Vizcaya, Philippines – Pinagtulungang tagain hanggang sa mapatay ng mag-utol na matadero ang isang tinyente ng pulisya sa panibagong karahasang naganap kamakalawa ng hapon sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya.
Animoy kinatay na baboy ang naging katawan ni P/Inspector Anselmo Dulin, 50, dating hepe ng Maconacon PNP sa Isabela bago naging hepe ng intelligence section sa bayan ng Bayombong.
Sa pagsisiyasat ni PO3 Armalite Fabro, lumilitaw na sinalpok ng traysikel ni Julius Retonda ang likurang bahagi ng Nissan Strata ng biktima sa kahabaan ng highway ng Barangay Bascaran.
Napag-alamang si Dulin ay magse-serve ng warrant of arrest sa bayan ng Bagabag nang maganap ang insidente.
Dito nagtalo ang dalawa hanggang sa umalis si Retonda na agad ding bumalik kasama ang kanyang kapatid na si Ronald sakay ng motorsiklo at walang kaabug-abog na sinagasaan ang biktimang nakatayo sa gilid ng kanyang kotse.
Nang bumaliktad ang biktima ay agad na pinagtataga at pinagsasaksak ng mag-utol na Retonda kung saan napuruhan sa ulo at mukha ang opisyal.
Nakatakas naman si Ronald, habang ang kapatid na si Julius ay dinala sa ospital dahil sa sugat na tinamo sa pinagmulan ng krimen.