P1 milyon sa ulo ni ex-Vice Governor Recto
BATANGAS, Philippines – Magbibigay ng P1-milyong pabuya ang kampo ni ex-Batangas Governor Armand Sanchez sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon para sa ikadarakip ni ex-Batangas Vice Governor Richard “Ricky” Recto sa kasong double murder.
Nagbunsod ang aksyon ng kampo ni Sanchez matapos magpalabas ng warrant of arrest si Judge Ruben Galvez ng Batangas Regional Trial Court Branch 3 kamakalawa laban kay Recto kaugnay sa 2006 bomb attack sa dating gobernador.
Ayon kay Atty. Ferdinand Topacio, magbibigay din si Sanchez ng P.5 milyong pabuya sa ikadarakip naman nina Atty. Christopher Belmonte, Christina Antonio, anak ni Cagayan Governor Alvaro Antonio at ni Bettina Balderama.
Inakusahan si Recto, kabilang na sina Belmonte, Antonio, Balderama, 1Lt. Angelbert Gay at Lt. Senior Grade Kiram Sadava ng kasong double murder at frustrated murder sa tangkang pagpatay kay Sanchez.
Matatandaang nalapnos ang mukha at katawan ni Sanchez matapos pasabugin ang sinasakyan nitong Hummer H2 habang nasa loob ng capitol compound noong Hunyo 1, 2006 na ikinamatay ng kanyang driver at bodyguard na sina Luisito Icaro at P02 Eric Landicho.
Sinubukan namang ihain ng CIDG ang warrant of arrest kay Recto sa bahay nito kahapon sa Lipa City pero hindi na ito matagpuan.
Si Ricky Recto ay bayaw ni Batangas Govenor Vilma Santos at nakatatandang kapatid ni National Economic Development Authority Secretary Ralph Recto. Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending