MANILA, Philippines - Nagunaw ang matayog na pangarap ng isang high school student makaraang hatawin ng matigas na kahoy sa ulo ng kanyang kaklase na napahiya sa loob ng kanilang klasrum sa bayan ng Carcar, Cebu kamakalawa.
Idineklarang patay sa Jesus Paras Emergency Hospital si John Carlo Lumba, 18, 4th year high school student habang iniimbestigahan naman ng pulisya ang hindi pinangalanang 15-anyos na kaklase ng biktima na posibleng isailalim sa custody ng local na sangay ng Department of Social Welfare and Development.
Sa ulat ni SPO1 Socrates Familgan na nakarating sa Camp Crame, naganap ang insidente sa loob ng Can-asujan National High School sa Barangay Can-asujan.
Nabatid na nagalit ang suspek nang hingan siya ni Lumba ng P10 kontribusyon para sa mga ipapa-burn na kanta sa CD na kanilang gagamitin sa school activity kaya’t hindi na siya pinilit magbigay.
Naging tampulan naman ng tukso ang suspek na kinantiyawang barat ng kaniyang mga kaklase kaya napahiya kung saan ito ay nagmamadaling lumabas ng silid-aralan.
Gayon pa man, nagkataon namang lumabas ang titser na si Jessica Endangan kaya nang bumalik ang suspek ay may dala na itong matigas na kahoy at inihataw sa noo ng biktima.
Sa pinakahuling tala ng United Nations Children’s Fund, umaabot na sa 4,000 menor-de-edad ang nasa ku lungan noong 2005, dahil sa pagkakasangkot sa krimen. Joy Cantos