BATANGAS , Philippines – Maagang nagwakas ang career ng isang 23-anyos na player ng Philippine Basketball League (PBL) makaraang masawi sa motorcycle crash na ikinasugat din ng kasamahan nito kahapon ng madaling-araw sa Lipa City, Batangas.
Kinilala ni P/Supt. Francisco Rodriguez, Lipa City police chief, ang nasawi na si Jason Nocom ng Nueve de Pebrero, Mandaluyong City, Metro Manila dating player ng JRU, NCAA at kasalukuyang naglalaro sa Oracel basketball team.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sinasabing nakaangkas si Nocom sa Honda Wave motorcycle (WO-3318) na minamaneho ng kaibigang si Jeffrey Engelbert Suguitan, 23 at patungo sana sa Lipa City mula sa Barangay Mataas na Kahoy nang maganap ang sakuna bandang alas-12:15 ng madaling-araw.
Sa salaysay ng mga saksi, binabagtas ng mga biktima ang national highway na sakop ng Purok 4, Brgy. Tambo nang mawalan ng control sa manibela si Suguitan hanggang sa sumalpok sa punong-kahoy.
Dead-on-the-spot si Nocom matapos magtamo ng pinsala sa kanyang ulo at katawan samantalang sugatan naman si Suguitan at naisugod sa Mary Mediatriz Hospital.
Ayon sa mga awtoridad, na walang suot na helmet ang mga biktima nang maganap ang trahedya. Arnell Ozaeta