Mayor, brodkaster itinumba
MANILA, Philippines - Unti-unting nababahiran ng dugo ang nalalapit na 2010 national elections kung saan isang mayor at brodkaster ang iniulat napaslang makaraang pagbabarilin ng mga ‘di-pa kilalang grupo kamakalawa ng gabi sa naganap na magkahiwalay na karahasan sa Pagadian City, Zamboanga del Sur at Surigao del Sur.
Kinilala ang napatay na alkalde na si Abdul Ayong, 57, mayor ng Malangas, Zamboanga Sibugay at residente ng Purok Risal, Sto. Niño.
Batay sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Leonardo Espina, ang biktima ay binoga habang nakatayo sa harapan ng Agora Market sa Pagadian City.
May teorya ang pulisya na may kinalaman sa pulitika ang pamamaslang kaugnay ng paghahanda ng kampo ni Mayor Ayong para sa nalalapit na 2010 national elections sa mga kandidato ng kanilang partido.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na natalo sa isinampang election protest ang biktima.
Binuo naman ang Task Force Ayong para maresolba sa lalong madaling panahon ang krimen.
Samantala, isang brodkaster ng FM radio station ang niratrat ng dalawang ‘di-pa kilalang lalaki sa bayan ng Barobo, Surigao del Sur kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang biktima na si Godofredo Linao Jr., 49, ng 94.5 Magic Love FM Radio (Pamilya Walang Iwanan) at residente ng Castillo Village sa Mangagoy, Bislig City.
Ayon kay P/Senior Supt. Nestor Fajura, lulan ng motorsiklo si Linao at bumabagtas sa kahabaan ng provincial road sa Purok 1 nang dikitan at rat ratin ng motorcycle-riding gunmen.
Napag-alamang hindi naman hard hitting ang programa ng biktima kaya lahat ng anggulo ay kanilang masusing iniimbestigahan.
Kaugnay nito, pumasok na sa imbestigasyon ang Task Force USIG ng PNP para sa mabilisang ikareresolba ng krimen. Joy Cantos
- Latest
- Trending