12 bomba para sa SONA nasabat
LUCENA CITY, Philippines – Maagap na nasabat ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang mga bomba na pinaniniwalaang gagamitin para makagulo sa gaganaping State of the Nations Address (SONA) ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo kung saan nakatago sa barko na nakadaong sa pantalan ng nabanggit na lungsod noong Sabado ng hapon.
Ayon kay Commander Gregorio Adel, Jr., Lucena Coast Guard station chief, nagsasagawa ng random checking ang kanilang K-9 Units nang matagpuan ang 12 pampasabog sa basurahan ng M/V Blue Water Princess bandang alas-5:20 ng hapon.
Papuntang Masbate ang naturang barko na may 300 pasahero.
Sa pagsisiyasat, ang mga pampasabog ay gawa sa ammonium nitrate na hinaluan ng gasoline na may lamang mga pako na nagsisilbing shrapnel at mga blasting caps na may electronically activated detonator.
“Kapag sumabog ang bomba malaki ang magiging pinsala nito sa loob ng 10 hanggang 15 metrong lawak at maaring makapatay ng maraming pasahero,” pahayag ni Adel.
Nasa secod deck ng barko ang mga pampasabog malapit sa palikuran ng mga babae at ilang metro lang ang layo sa passengers lounge.
“Bago pa namin nasabat ang mga pampasabog, nakakatanggap na kami ng mga intelligence informations na may susunugin at bobombahing mga barko sa Lucena City para mai-divert ang atensyon ng gobyerno papalayo sa Mindanao,” paliwanag ni Adel.
- Latest
- Trending