Konsehal ng barangay nilikida

PANGASINAN, Philippines — Pinaniniwalaang may kinalaman sa anomalya sa barangay kaya pinaslang ang isang kagawad noong Martes sa Brgy. Carosalesan sa bayan ng Umingan, Pangasinan. Natagpuan sa palayan na may tama ng bala sa ulo ang biktimang si Apolinario Gorospe, 52, konsehal ng Brgy. Abot-Molina. Ayon sa pulisya, narekober sa tabi ng bangkay ni Gorospe ang sako na naglalaman ng kanyang mga damit at kulay itim na pouch na may pitong bala ng baril. May teorya ang pulisya na may kinalaman sa misappropriation ng Barangay Power Association na katulad din ng pamamaslang kay Rey Ocampo. Sina Gorospe at Ocampo ay kapwa kolektor ng BAPA sa nabanggit na ba­rangay. Napag-alamang bago mapaslang si Gorospe, ay ipina-police blotter nito nakakatanggap siya ng mga pagbabanta sa buhay dahil sa anomalya. Cesar Ramirez

Pupil dedo sa stand ng batingaw

ORMOC CITY, Leyte, Philippines — Napaaga ang salubong ni kamatayan laban sa isang batang mag-aaral matapos mabagsakan ng stand ng batingaw sa labas ng eskuwelahan sa Barangay Linao noong Miyerkules ng umaga. Kinilala ni P/Insp. Alvin Shevert Machete, ang biktima na si Aikin Mar Ponso y Abaño, 7, grade 1 sa Linao Elementary School at nakatira sa Purok 1 ng nasabing barangay. Ayon kay PO1 Arvin Castillo, papasok na sa paaralan ang biktimang may bag sa likuran nang mabagsakan ng mataas na kahoy na kinalalagyan ng batingaw. Sinasabing nakatakbo pa ang biktima subalit nadale rin at nabali ang balikat bago nabagok ang ulo sa semento kaya napaaga ang karit ni kamatayan. Roberto C. Dejon

Pintor niratrat ng pulis, utas

RIZAL, Philippines — Isang 23-anyos na pintor ang sinasabing napagtripang ratratin ng isang pulis na senglot sa Barangay Sta. Ana sa bayan ng Taytay, Rizal, kamakalawa. Napuruhan sa ulo si Jomar Sales, 23, ng Blk. 18 Lot 42, Sitio Lupang Arenda. Pormal naman kinasuhan ang suspek na si SPO1 Reynaldo Edbane, 43, may-asawa, ng Blk 12, Purok II, ng nabanggit na barangay, Sa ulat ni PO1 Florence Salcedo Nacianceno, lumi­litaw na nagpunta ang biktima sa bahay ng suspek para kausapin ang kanyang kasamahang si Nicholas Laiban upang manghiram ng pera. Subalit na-badtrip ang suspek sa ginawa ng biktima, kaya tadyakan siya nito, at pinagbabaril. Ayon sa ilang saksi, hindi na lumalaban ang biktima at nakataas na mga kamay nito, pero niratrat pa rin ng suspek. Ricky Tulipat

Show comments