P186M marijuana sinunog
TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines — Aabot sa 800,000 puno ng marijuana na nagkakahalaga ng P186 milyon ang sinunog ng mga awtoridad kahapon sa plantasyon na nadiskubre sa kagubatang bahagi ng Isabela at Kalinga.
Ayon sa ulat na nakarating kay P/Chief Supt. Roberto Damian, Cagayan Valley police director, ang nasabing plantasyon ay nadiskubre sa Sitio Bangabang nasa pagitan ng Quezon, Isabela; Tabuk, Kalinga at Enrile, Cagayan.
Napag-alamang mahigit sa 600,000 puno ng marijuana habang 200,000 puno naman ang mga marijuana seedlings ang sabay-sabay na sinunog sa malawak na kaingin sa nasabing lugar.
Pinasalamatan naman ni Sonny Lacerna, information officer ng PDEA-Cagayan Valley, ang malaking partisipasyon ng mga sibilyan sa lugar na nagbigay sa kanila ng impormasyon para matagpuan ang nasabing plantasyon.
Habang sinusulat ang balitang ito ay pansamantalang itinago pa ang pangalan ng mga suspek na nasa likod ng plantasyon para sa isasagawang follow-up operation. Victor Martin
- Latest
- Trending