CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines — Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang sinasabing lider ng grupo na sangkot sa holdapan sa iba’t ibang bayan sa ika-4 na distrito sa panibagong karahasang naganap sa Sityo Bical, Barangay San Pedro, sa bayan ng General Tinio, Nueva Ecija.
Kinilala ng pulisya ang napatay na si Eustaquio San Jose Antalan, 22, ng Sityo Bliss, Bgy. San Pedro. Napag-alamang papauwi na si Antalan mula sa kaniyang bukirin lulan ng traysikel nang tambangan ng motorcycle-riding assassin.
Sa tala ng pulisya, si Antalan ay itinuturing lider ng Antalan Group na sangkot sa serye ng mga holdapan sa General Tinio, Peñaranda, San Leonardo at Gapan City. (Christian Ryan Sta. Ana)