Grocery binomba: 6 sugatan

KIDAPAWAN CITY, Philippines — Anim-katao kabilang ang isang pulis ang nasugatan makaraang sumabog ang granada na inihagis ng ‘di-pa kilalang lalaki sa hara­pan ng Co Tiong Bon Grocery na katabi ng Cotabato Oro Jewelry sa panulukan ng Sinsuat Avenue at Jose Lim Street sa Cotabato City kahapon ng umaga.

Kabilang sa mga su­gatan ay kinilala ni P/Senior Supt. Willie Dangane, na sina PO1 Roderick Sta. Ana, Anwar Amil, Aladin Ungka, Sherilyn Salim, Ramil Oding, Lucia Sulai­man at si Motim Sampa.

Gayon pa man, na­ares­to ang suspek sa PNP checkpoint, subalit tu­mang­gi muna ang pulisya na pangalanan dahil su­masailalim pa sa tactical in­terrogation.

Nabatid pa na ang pi­nang­yarihan ng insidente ay malapit lamang sa Immaculate Concepcion Church na pinasabog noong Hulyo 5 na nagresulta sa pagkamatay ng anim-katao habang aabot naman sa 50 ang nasugatan. 

Kemikal ng bomba nasabat

Nasabat ng tropa ng militar ang bulto ng mga kemikal na gamit sa pag­gawa ng bomba mata­pos ang maikling engku­wentro laban sa mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front sa bayan ng Guindu­lu­ngan, Maguin­danao ka­ma­kalawa. Ayon kay Army’s 6th Infantry Division spokesman, Lt. Col. Jonathan Pon­ce, tinangka ng mga rebelde na lusubin ang Camp Afghan subalit maagap ang mga sundalo na magpapu­tok. Kabilang sa kampo ng MILF renegades ang camp Afghan na nakubkob ng mga sundalo noong Hunyo. Sa clearing operations, nare­kober ng militar ang bariles ng bomb making equipment at matataas na kalibre ng baril. 


Show comments