Grocery binomba: 6 sugatan
KIDAPAWAN CITY, Philippines — Anim-katao kabilang ang isang pulis ang nasugatan makaraang sumabog ang granada na inihagis ng ‘di-pa kilalang lalaki sa harapan ng Co Tiong Bon Grocery na katabi ng Cotabato Oro Jewelry sa panulukan ng Sinsuat Avenue at Jose Lim Street sa Cotabato City kahapon ng umaga.
Kabilang sa mga sugatan ay kinilala ni P/Senior Supt. Willie Dangane, na sina PO1 Roderick Sta. Ana, Anwar Amil, Aladin Ungka, Sherilyn Salim, Ramil Oding, Lucia Sulaiman at si Motim Sampa.
Gayon pa man, naaresto ang suspek sa PNP checkpoint, subalit tumanggi muna ang pulisya na pangalanan dahil sumasailalim pa sa tactical interrogation.
Nabatid pa na ang pinangyarihan ng insidente ay malapit lamang sa Immaculate Concepcion Church na pinasabog noong Hulyo 5 na nagresulta sa pagkamatay ng anim-katao habang aabot naman sa 50 ang nasugatan.
Kemikal ng bomba nasabat
Nasabat ng tropa ng militar ang bulto ng mga kemikal na gamit sa paggawa ng bomba matapos ang maikling engkuwentro laban sa mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front sa bayan ng Guindulungan, Maguindanao kamakalawa. Ayon kay Army’s 6th Infantry Division spokesman, Lt. Col. Jonathan Ponce, tinangka ng mga rebelde na lusubin ang Camp Afghan subalit maagap ang mga sundalo na magpaputok. Kabilang sa kampo ng MILF renegades ang camp Afghan na nakubkob ng mga sundalo noong Hunyo. Sa clearing operations, narekober ng militar ang bariles ng bomb making equipment at matataas na kalibre ng baril.
- Latest
- Trending