CAMARINES NORTE, Philippines – Naglunsad ng malawakang dragnet operation ang pulisya laban sa mga ’di-pa kilalang kalalakihan na sinasabing responsable sa pagdukot sa mag-ina na nagpi piknik sa bisinidad ng Bagasbas Beach Resort sa bayan ng Daet, Camarines Norte kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang mga-inang dinukot na sina Michelle Umali, 23; at anak na si Chacha Umali, 3, kapwa residente ng Barangay Malasigui sa bayan ng Labo, Camarines Norte.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, lumilitaw na magkakasamang nagpiknik ang mag-ina at ang mister nitong si Renato “Ato” Umali, 39, sa naturang beach resort nang lapitan at pagbabarilin ni Dego Saad si Renato.
Gayon pa man, ’di-tinamaan si Renato kaya tinangkang barilin ng kanyang alalay na si Gil Inocencio, si Saad subalit ginawang human shield ang mag-ina.
Ayon sa pulisya, si Renato Umali ay sinasabing jueteng operator habang si Saad naman ay naging alalay ng una at ngayon ay tumatayong bodyguard ng isang opisyal ng lokal na pamahalaan ng Antipolo City at kasalukuyang nakatira sa Cogeo Gate II ng nabanggit na lungsod. Kaagad naman naisakay ang mag-ina sa pulang van matapos na kaladkarin ng dalawa pang armadong kalalakihan.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo ni Saad kaugnay sa tangkang pagpatay at pagdukot sa mag-inang Umali.