BULACAN, Philippines — Namayani ang katapatan sa trabaho at hindi nagpasilaw sa malaking halagang napulot ng isang store crew ng fastfood sa SM Marilao kung saan agad nitong sinauli sa kinauukulan ang envelope na naglalaman ng P.2 milyon na naiwan ng kostumer noong nakalipas na buwan.
Pararangalan at bibigyan ng Gawad Pagkilala ni Bulacan Governor Joselito Mendoza si Rod Louie Frias, na nagsauli ng P.2 milyon sa may-ari noong Hunyo 23, 2009.
Si Frias, 21, anak ng mag-asawang sina Rodrigo at Loreta Frias ng Brgy. Mag-asawang Sapa, sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan ay crew ng Goldilocks Bakeshop sa SM Marilao. Napag-alamang nililinis ni Frias ang isa sa mesa ng customer nang mapansin nito na may envelop na naiwan ang customer.
Agad niya itong ipinagbigay-alam sa kanyang bisor at dinala sa Costumer Relation Office ng establisemento para pansamantalang ilagak ang envelop na naglalaman ng apat na cheke na nagkakahalaga ng P.2 milyon.
Naibalik naman sa may-ari ang nasabing halaga matapos mag-usisa sa nabanggit na bakeshop.
Si Louie Frias ay katulad ng isang OFW na si Mildred Perez-Bunde na nagsauli rin ng P2.1 milyon sa tunay na may-ari na kanyang napulot sa basura sa Hong Kong may ilang linggo na ang nakalipas. Ang istorya ni Bunde na tubong Bayombong, Nueva Vizcaya nalathala sa mga pahayagan sa Hong Kong ay binigyan ng commendation ng House of Representatives dahil sa katapatan. – Boy Cruz