4 mag-aaral utas sa soft drinks
NUEVA VIZCAYA, Philippines — Apat na kabataang mag-aaral sa hasykul ang iniulat na nasawi makaraang uminom ng soft drinks na sinasabing hinaluan ng lason sa loob ng kanilang eskuwelahan sa Barangay Bintawan Sur, sa bayan ng Villaverde, Nueva Vizcaya kamakalawa ng hapon.
Kabilang sa mga namatay na estudyante ay sina Joani Molina, 20, ng Brgy. Ibung; Rommel Dacusin, 18, ng Brgy. Sawmil; Severino Quiyod,16; at si Jefferson Retorio, 16, kapwa nakatira sa Brgy. Cabuluan, Villaverde.
Ayon kay Dr. Trinidad Logan, school principal ng Bintawan National High School, dakong alas-2 ng hapon kamakalawa nang magkagulo ang mga estudyante sa 3rd year sa section III-E kung saan biglang bumulagta ang apat na mag-aaral.
“They were weak. They could no longer speak out. Their eyes were partially closed while bubbles started to come out of their mouths when they were brought to the school clinic. We immediately rushed the students to (the hospital) after first aid given to them proved futile,” pahayag ni Rosie Dacumos, school nurse.
Subalit idineklarang dead-on-arrival sa Medical Mission Group si Quiyod at sinundan pa ng dalawa sa kanila hanggang sa bumigay na rin si Dacusin dakong alas-5 ng hapon.
Napag-alamang isa sa kaklase ang nakakitang hinaluan ng mga biktima ng kulay puting polbo ang soft drinks na binili at dinala sa loob ng kanilang silid-aralan.
Nagpabalik-balik pa ang mga biktima sa palikuran ng klasrum upang tumungga ng soft drinks kasabay ng paanyaya sa iba pang kaklase na tikman ang kanilang iniinom na palamig.
Isa si Joe Jeric Adriano ang nangahas na tumikim subalit agad niyang iniluwa dahil sa kakaibang pait kung saan hindi niya kayang lunukin.
Wala ring balita sa isa pang kaklase ng apat na si Mark Louie Bueno, na lumiban kahapon at sinasabing tumikim din ng soft drinks na may lason.
Habang sinusulat ang balitang ito ay pinasuri ni P/Insp. Noel Libunao, hepe ng Villaverde, ang sample ng soft drinks sa PNP Crime Laboratory.
- Latest
- Trending