Cavite, pinarangalan dahil sa kaunlaran
CAVITE, Philippines — Pinatunayan ng Cavite ang patuloy nitong pag-unlad matapos muling mahirang bilang may mataas ng kaunlarang pantao base sa inilathalang 2008/2009 Philippine Human Development Report.
Kasabay ng paglalabas ng ulat, tinanggap ni Gobernador Ayong Maliksi, ang Gawad sa Makataong Pag-unlad para sa mga Lalawigang may Mataas na Kaunlarang Pantao sa programa sa Crown Plaza Galleria sa Pasig.
Sa ulat ng Human Development Network, ang Cavite ay nasa ikatlong puwesto noong 2006 kung saan sinusukat ang kakayahan ng mga bansa at lalawigan sa tatlong batayang aspeto ng kaunlarang pantao — mahaba at malusog na buhay, antas ng kaalaman at disenteng pamumuhay.
Isa sa naging susi para mapabilang sa puwesto ay ang mahusay na pagpapatupad ng mga komprehensibong programang pangkaunlaran sa pangunguna ni Gob. Maliksi sa aspeto ng kalusugan, edukasyon at pagpapabuti ng kabuhayan ng mamamayan kabilang ang pagnenegosyo, kooperatiba at iba pang tulong pangkabuhayan.
Umabot sa P 19,878,000 ang kabuuang halaga ng tulong pinansyal ang ipinagkaloob sa 6,442 iskolar ng lalawigan. Gayundin, upang makasabay sa makabagong antas ng information and communication technology, nagkakaloob ng mga computer sa mga paaralan habang ang mga guro ay binibigyan ng libreng pagsasanay sa ilalim ng kasunduan sa Ministry of Education ng Jeollabuk-do sa South Korea.
Patuloy naman ang pagkakaloob ng mga libreng pagsasanay na pangkabuhayan sa Cavite kung saan aabot na sa 50,000 ang nakinabang simula pa noong 2005. Arnell Ozaeta
- Latest
- Trending