Ambus: 3 sibilyan dedo, 3 pa sugatan
BACOLOD CITY, Philippines —Tatlong sibilyan kabilang ang isang high school student ang kumpirmadong nasawi habang tatlong iba pa ang nasugatan makaraang ratratin ng mga rebeldeng New People’s Army ang cargo truck sa bayan ng Toboso, Negros Occidental kamakalawa ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Insp. Nestor Tuadles, hepe ng pulisya sa bayan ng Toboso, ang biktimang sina Rodolfo Salipod, drayber ng cargo truck; Ena Pata at ang high school student na si Edmar Sultan habang sugatan naman sina Eryl Baynosa, Ivy Recopelacion, student ng Toboso National High School; at si Primitivo Lumapay na nasa kritikal na kondisyon.
Ang mga biktima na naisugod sa San Carlos City hospital ay pawang nakatira sa Barangay Salamangka.
Sa imbestigasyon ng pulisya, kasalukuyang patungo ang truck sa bayan ng Toboso kung saan nakisakay lamang ang mga biktima nang tam bangan ng mga rebelde pagsapit sa kahabaan ng highway ng Purok Mabuhay sa Brgy. Salamangka.
Tinukoy naman ng mga opisyal ng Philippine Army at pulisya na ang Platoon 1 ng Komiteng Larangan Northern Negros (KLNN) ng CPP-NPA, ang responsable sa pananambang sa mga biktima.
Pinaniniwalaan namang may kinalaman sa pangingikil ng revolutionary tax ng mga rebelde sa may-ari ng cargo truck ang motibo ng pananambang. (Antonieta Lopez at Joy Cantos)
- Latest
- Trending