DARAGA, Albay, Philippines — Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang provincial chairman ng organisasyon ng mga driver at operator ng traysikel na sinasabing naghahanda sa malawakang transport strike makaraang pagbabarilin ng mga ‘di-pa kilalang kalalakihan sa harapan ng gasolinahan sa bayan ng Daraga, Albay kahapon ng madaling-araw.
Naisugod naman ng kanyang mga kasamahang drayber sa Bicol Regional Training and Teaching Hospital si Joel Ascotia na residente ng Barangay Pawa sa Legazpi City.
Si Ascotia ay tumatayong provincial chairman ng Concerned Drivers and Operators for Reform (CONDOR) sa ilalim ng Pinagkaisang Samahan ng Transportasyon at Operator Nationwide (PISTON)-Bicol.
Sa ulat ni P/Insp. Ayn Natuel, naganap ang krimen bandang alas-4:20 ng madaling-araw habang ang biktima kasama ang ilang opisyal at miyembro ng kanilang grupo ay naghahanda sa isasagawang malawakang transport strike.
Sakay ng motorsiklo ang dalawang ‘di-pa kilalang kalalakihan nang lapitan at pagbabarilin ang biktima kung saan nagkalasan ang ilang kasamahang drayber na nagpupulung-pulong sa nabanggit na lugar.
May teorya ang ilang kasamahan ng biktima na may kaugnayan sa transport strike ang motibo ng krimen. (Ed Casulla)