CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Nagwakas ang pagiging miyembro ng robbery/holdup gang ng apat na kalalakihang napatay habang isang pulis din ang nasawi sa naganap na shootout kamakalawa ng hapon sa bisinidad ng Barangay San Antonio sa San Pablo City, Laguna.
Kabilang sa mga napatay ay sina Efren Banaag, 67, dalawang anak nitong sina Melchor Banaag at Nolito Banaag, 40; at si Mario Mendoza, 39, pawang mga residente ng Sitio Paraiso, Brgy. San Antonio, at miyembro ng Banaag robbery-holdup gang.
Samantala, napatay din sa naganap na enkwentro si P02 Ricuerdo Molleda, miyembro ng San Pablo police station.
Si PO2 Molleda ay idineklarang patay sa San Pablo City Medical Center dahil sa mga tama ng bala ng baril sa kanyang mukha at ulo.
Sa ulat na nakarating kay P/Supt. Manolito Labador, Laguna police chief, nakatanggap ng tawag sa telepono ang presinto ng pulisya kaugnay sa mga armadong kalalakihan sa bisinidad ng Israel Village bandang alas-5 ng hapon.
Kaagad namang rumesponde ang pulisya hanggang sa sumiklab ang putukan ng baril na ikinasawi ng apat na holdaper at isang pulis.
Sa tala ng pulisya, ang apat na napatay ay may mga kasong robbery with double homicide ngayong 2009 na isinampa sa korte sa Laguna.
Nakarekober ang mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives ng dalawang 12-gauge shotgun, cal. 9mm pistol at cal. 38 revolver. (Dagdag ulat ni Ed Amoroso at Ricky Tulipat)