1 patay, 2 sugatan sa alitan sa lupa
BUSTOS, Bulacan, Philippines— Natigmak ng dugo ang isang sinasakang palayan sa isang lugar dito makaraang magbarilan ang dalawang magkalabang pamilya dahil sa awayan kung sino ang tunay na nagmamay-ari ng naturang lupain kahapon ng umaga.
Nasawi sa insidente si Raul R. Guevarra, 45-anyos, habang nasa kritikal na kondisyon naman sa Bulacan Provincial Hospital sa Malolos City ang mga kaanak niyang sina Francisco Marquez, 67, at Roberto Marquez, 34, pawang mga magsasaka at residente ng Barangay Malamig sa bayang ito.
Nagtamo ng tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ang biktima.
Nakapiit naman sa Bustos Municipal Jail ang isa pang miyembro ng pamilya na si Reynaldo Marquez, 32, na nasakote habang tumatakas sa pinangyarihan ng krimen.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nagsasaka ng palayan si Raul Guevarra na armado ng isang .38 revolver na baril kasama ang dalawa pa nitong kamag-anak na sina Dennis Guevarra at Eugene Marquez nang biglang dumating ang mag-aamang sina Francisco, Roberto at Reynaldo Marquez na armado naman ng isang .45 kalibre na baril at isang jungle bolo upang komprontahin sa sinasakang lupa na naging sentro ng kanilang alitan.
Dahil sa paniwalang isa lang ang dapat na makinabang sa sinasakang lupa ay humantong ang pag-uusap sa kasahan ng baril at umalingawngaw na ang putok na agad na ikinabulagta ni Raul Guevarra habang sugatan naman ang mag-amang sina Francisco at Roberto.
- Latest
- Trending