Pastor dedo sa gumuhong bato
CAMP VICENTE LIM, Laguna, Philippines — Hindi inaasahang sasalubong si kamatayan laban sa isang 45-anyos na pastor matapos madaganan ng gumuhong mga bato ang kanilang sasakyan sa kahabaan ng highway sa bayan ng Lumban, Laguna kahapon ng umaga.
Kinilala ng pulisya, ang nasawi na si Arnel Jesuitas ng Sampaloc Road, sa Sitio Lubigan, Tanay, Rizal. Sugatan naman sina Divina Dulce Jesuitas, 43 at Ric Daza, 41, kapwa mga residente din ng nabanggit na lugar.
Ayon sa police report, papunta sana ng bayan ng Victoria para mamili ng mga itlog ng itik sa negosyong balut sa Rizal ang mga biktimang sakay ng Hyundai van (ZRL-402) nang mabagsakan ng mga tipak ng bato ang kanilang sasakyan sa national highway sa Barangay Lewin bandang alas-9:45 ng umaga.
Isinugod naman sina Dulce at Ric sa Pagsanjan Medical Center para gamutin, kung saan nanatiling nasa kritikal na kondisyon. (Arnell Ozaeta)
- Latest
- Trending